Noong araw, ang bigas ay hindi kilala rito sa ating bayan. Ang kinakain ng ating mga ninuno ay mga bungangkahoy, gulay, isda, ibon at mga maiilap na hayop na kanilang nahuhuli sa kagubatan. Hindi sila marunong magbungkal ng lupa. Hindi rin sila marunong mag-alaga ng hayop.
Kapag sa isang pook na tinitigilan nila ay wala na silang makuhang isda, gulay, bungangkahoy at mga hayop ay lumilipat sila sa ibang pook.
Maligaya sila sa ganoong pamumuhay. Samantalang ang mga lalaki ay nangangahoy o kaya’y namamana ng ibon. Ano man ang pagkaing makuha ay pinaghahatian ng lahat.
Isang pulutong ng mga mangangaso ang nakarating sa kabundukan ng Cordillera dahil sa paghabol sa isang baboy-ramo. Dahil sa matinding pagod sila ay nagpahinga sa lilim ng isang malaking puno. Mataas na noon ang araw. Nakaramdam na sila ng kaunting pagkagutom.
Isang lalaki at babae ang may anyong di pangkaraniwan ang natanawan nilang papalapit sa kanila. Kinabahan ang mga mangangaso.
Iyon ay ang mga Bathalang naninirahan sa bundok na yaon at dali-dali silang nagtindig at nagbigay galang sa bagong dating. Natuwa ang mga Bathala sa kanilang pagiging mapitagan. Kinamusta sila at tuloy inanyayahan sa piging ng mga Bathala.
Hindi tumanggi ang mga mangangaso at sumunod sila sa mga Bathala. Naghanda ng pagkain ang mga alagad ng Bathala at sila ay nagsitulong. Isang Bathala ang lumapit sa kanila. Kumuha ito ng kaputol na kawayan at tinuhog ang piraso ng mga katay na hayop. Inilagay ito sa ibabaw ng baga.
May mga bigas sa kawa sa apoy ng utusan ng mga Bathala. Ang laman ng kawa ay mapuputing butil at pinagtumpok-tumpok sa mga dahon ng saging sa hapag kainan. Sa bawat tumpok ay naglagay ng inihaw na laman ng hayop, mga gulay at bungangkahoy.
Naglagay rin sila ng giyas ng kawayang may lamang malinaw na tubig. Iyon ay alak ng Bathala.
Nag-atubili ang mga mangangaso at sinabing hindi sila kumakain ng uod. Natawa ang mga Bathala.
Iyang mapuputing butil na inyong nakikita ay hindi uod kundi kanin o nilutong bigas. Bunga iyon ng halamang-damong inalagaan dito.
Tinikman nila ang kanin at sila ay nasiyahan at ang nanghihina nilang katawan ay biglang lumakas. Pagkatapos ng piging sila ay nagpasalamat at nagpaalam na. Nang sila ay papaalis na ay binigyan sila ng tig-iisang sakong palay.
Itinuro ng Bathala ang paraan na dapat gawin para ito ay maging bigas at tuloy maisaing. Itinuro din ang pagtatanim. Sumunod ang mga tao.
Kaya mula noon, ang bigas ay nakilala na ng ating mga ninuno; natuto silang magbungkal ng lupa, mag-alaga ng hayop at magtayo ng mga tahanang palagian.