Gutum na gutom na ang Agila kaya naghahanap siya ng hayop na gagawing pananghalian. Mula sa kaitasaan ay napansin niya ang isang Kunehong masayang naglalakad sa kagubatan.
Nang tumingala ang Kuneho ay alam niyang sasakmalin siya ng Hari ng mga Ibon. Upang makaiwas sa kapahamakan ay nagtatakbo ito upang magtago. Napansin ng Salagubang ang paghabol ng Agila sa Kuneho. Nang magkatama ng paningin ang Kuneho at Salagubang ay humingi ng tulong ang hinahabol.
“Salagubang! Salagubang! Tulungan mo ako! Tiyak na aabutan at gagawin akong pananghalian ni Haring Agila!”
Mabilis tumakbo ang Kuneho pero mabilis ding lumipad at humabol ang Agila.
Awang-awa ang Salagubang sa di parehas na laki ng humahabol sa hinahabol.
“Hoy, Agila! Mahiya ka sa sarili mo! Hari ka pa man din ng ibang kalahi mo pero isang maliit na kuneho ang hinahabol mo!”
Hindi pinakinggan ng gutom na Agila ang sigaw ng Salagubang. Ang alam niya ay kumakalam ang kaniyang sikmura at masarap na gawing pananghalian ang Kunehong may matabang tiyan.
Umaatikabong habulan ang naganap pero kahit bilisan ng Kuneho ang pagtakbo at pagtalon ay naabutan din siya ng Agilang gutum na gutom.
“Kawawang Kuneho,” buntunghininga ng Salagubang nang matanawan ang nagsisisigaw na kaibigan ay gawing masaganang pananghalian ng Agilang walang awa kaninuman.
Naisip ng Salagubang na panagutin sa kasalanan ang Agilang hindi makatarungan.
Magmula nang gawing pananghalian ang kaibigan ay lagi na niyang sinusundan-sundan ang Agila. Nalaman niyang sa ituktok ng bundok nangingitlog ang Agila. Sumunod siya dito. Habang wala pa ang Agila ay nilipad ng Salagubang ang pugad ng Hari ng mga Ibon. Isa-isa niyang itinulak ang mga itlog mula sa pugad. Basag ang mga ito nang malaglag sa lupa. Galit na galit ang Agila na nagsumbong kay Jupiter.
“Kamahalan, binabasag po ni Salagubang ang mga itlog na nasa pugad ko. Tulungan po ninyo ako.”
Upang hindi na maulit na mabasag ang mga itlog, pumayag si Jupiter na sa kandungan niya mamugad ang Agila. Ito nga ang ginawa ng Agila. Nagsilbing pugad ang kandungan ni Jupiter.
Nang malaman ito ni Salagubang ay nakaisip siya ng paraan upang maipagpatuloy ang paghihiganti. Nang nakatulog si Jupiter ay binagsakan niya ng dakut-dakot na lupa ang kandungan ng Kamahalan. Nang magising si Jupiter at pagpagin ang lupa ay sumama ang mga itlog na nangabasag sa lupa.
Magmula noon, lagi nang naghahanap ang mga Agila kung saan nila maitatago ang mga pugad na pinangingitlugan nila. Sinasabing patuloy na ipinaghihiganti ng Salagubang ang Kunehong matalik na kaibigan.