Mayabang na inilatag ng Agila ang malapad niyang pakpak sa kaitaasan. Nang mapansin ng aroganteng Hari ng mga Ibon na ikinakampay din ng mabagal na kalapati ang mga puting pakpak nito ay naghamon ang Agila.
“Hoy, Kalapati. Lalaban ka ba sa akin sa pabilisan ng paglipad?”
Sa sobrang yabang ng Agila ay naisip ng Kalapating bigyan ng aral ang humahamon.
“O sige,” sagot ng Kalapati, “kailan mo gustong magtunggali tayo?”
Hindi ipinahalata ng Agila na nagulat siya sa matapang na kasagutan ng hinamon.
“I… ikaw ang bahala kung kailan mo gusto.”
Napansin ng Kalapati na nakaamba ang maitim na ulap sa kalawakan. Alam niyang ilang sandali lamang ay uulan na.
“Kung payag ka ay ngayon din. Upang maging masaya ang laban, kailangang may kagat-kagat tayong anumang bagay sa paglipad natin. Dadalhin ko paitaas ang isang tipak ng asin. Ikaw naman ay magdadala ng isang bungkos ng bulak. Payag ka ba?”
Napangiti ang Agila sa pag-aakalang higit na magaan ang bulak sa asin.
Napagkayariang sa tuktok ng Asul na Bundok magsisimula ang paglipad at magtatapos sa tuktok ng Berdeng bundok.
Habang naglalaban sila sa paglipad ay bumuhos na ang malakas na ulan. Ang bulak na dala-dala ng Agila ay nabasa ng ulan at bumigat nang bumigat. Nagpabagal ito sa paglipad ng Hari ng mga Ibon.
Ang asin ay nalusaw naman na nagpabilis sa paglipad ng Kalapati.
Sa pagwawagi ng Kalapati, hindi na nagyabang mula noon ang palalong Agila.