Narito ang alamat ng Tabios na tinatawag ding “Sinarapan” o “Dulong” sa katagalugan.
Matagal ng kasal si Reyna Gila at Haring Lawis ngunit di nabiyayaan ng anak.
Lahat ng manggagamot ay nilapitan ngunit bigo. Bagamat malungkot at tanggap ang kapalaran ay ibinuhos na lamang ng mag-asawa ang atensyon sa pagtulong sa nasasakupan.
Ngunit isang araw, nag alala ang hari ng makitang suka ng suka ang asawa. Agad nya itong ipinasuri sa manggagamot at nalamang buntis ang reyna.
Halos ayaw na pakilusin ng hari ang reyna sapagkat maselan ang pagbubuntis nito. Isa sa naging problema ay ang pagiging pihikan sa pagkain ng reyna. Nag alala ang hari na baka makasama ito sa reyna at sa sanggol na dinadala.
Nang malaman ng nasasakupan ang kalagayan ng reyna ay nagdala ang lahat ng ibat-ibang pagkain. Ngunit ang lahat ng iyon ay hindi ginalaw ng reyna.
Minsan, isang matanda ang nagdala ng kakaibang prutas.
Nagustuhan ito ng reyna at nalamang ang prutas na iyon ay “Suha”. Ang loob ng suha ay tila may butil butil na luha.
Hindi naman lubos na kinakain ng reyna ang suha, bagkus ay sinisipsip lamang nito ang katas at itinatapon ang sapal sa lawang nasa labas lamang ng bintana ng palasyo.
Isang umaga ay naisipan ng reyna na paarawan ang anak sa gilid ng lawa.
Napukaw ang atensyon nito ng makita ang tila maliliit na isda na sinlaki lamang ng sapal ng suha na itinapon nya doon.
Mula noon, ang isdang iyon ay tinawag na “Tabios” ng reyna.