Noong unang panahon, may isang batang nag ngangalang Buyas. Siya ay anak ng isang manggagamot sa kanilang lugar.
Maliit pa si Buyas ay kapansin pansin dito ang pagiging maramdamin. Lalo pa nung ipinanganak na ang kanilang bunsong kapatid. Mas maganda ito kung ihahambing kay Buyas.
Palibhasa ay maraming nagpapagamot sa kanilang kubo ay di maalis na mapansin ang magkakapatid.
“Ang ganda naman ng inyong bunso” saad ng isang nagpapagamot.
“Maganda din si Buyas” sabat naman ng kanyang ina.
Ayaw na ayaw ni Buyas ng nakakarinig ng ganoong usapan kaya”t madalas ay pumupunta ito sa likod ng kubo upang ubusin ang luha.
Nang magdalaga si Buyas ay umibig ito sa isang binata.
Ngunit ito naman ay may gusto sa kanilang bunsong kapatid.
Masakit sa kalooban ni Buyas sa tuwing ito ay naakyat ng ligaw sa bunsong kapatid.
Alam ng kanyang ina ang nararamdaman ngunit wala itong magawa. Hindi nito pwede pang himasukan ang pagkagusto ng binata sa bunsong anak.
Ilang buwan pa ay isinama na ng binata ang magulang upang hingin ang kamay ng kapatid ni Buyas. Nais na nitong magpakasal.
Labis na nagdamdam si Buyas.
Nang sumapit at matapos ang kasal ng bunsong kapatid ni Buyas ay di na sya nakita.
Isang umaga, habang nagwawalis ang ina ni Buyas ay may napansin itong kakaibang halamang tumubo sa kanilang bakuran.
Nang bunutin ang halaman para itanim sa ibang lugar ay napansin nito ang bilog nitong mga bunga.
Natuklasan ng ina na maari pala itong ihalo sa pagkain. Ngunit ito”y nakakapag paiyak kapag hinihiwa.
Naalala tuloy ng ina ang anak nitong si Buyas, kayat pinangalanan nitong “Buyas” ang bunga na iyon.
At lumipas ang maraming panahon, ito’y naging “Sibuyas”