Noong araw, may mag-asawang masaya at tahimik na namumuhay kahit walang anak. Sina Ayong at Karing. Kuntento na sila sa isa’t isa nang isang araw ay dumating sa kanila ang magandang sorpresa.
Buntis si Karing!
Nagpasalamat sa Diyos ang mag-asawa dahil biniyayaan sila na magkaroon ng anak.
“Ipinangangako kong gagawin ko ang lahat upang mapaligaya kayo ng magiging anak natin,” pangako ni Ayong.
Ilang buwan makaraan ay isini-lang ni Karing ang isang malusog na batang lalaki.
Nag-iisang anak palibhasa, sinikap nina Ayong at Karing na maipagkaloob sa anak ang lahat ng saya at masarap na buhay. Labis nila itong napalayaw kaya lumaking masama ang ugali. Palasagot ito at ayaw na nasasabihan. Kapag nakagalitan ang binatilyo ay agad naglalayas.
Minsan ay hindi natiis ni Ayong ang ginawang pagsagot ng anak kay Karing kaya pinangaralan niya ang binatilyo. Nang araw ding iyon ay naglayas ito at napadpad sa paanan ng isang bundok.
Isang matandang namumuhay sa paanan ng bundok ang nagmamagandang loob kaya nagkaroon ng matutuluyan ang binatilyo.
Nang malaman ng matanda na naglayas siya ay pinayuhan siya nito.
“Umuwi ka at humingi ng tawad sa mga magulang mo. Hindi mainam na nagtatanim ng galit sa ama mo’t ina,” ang sabi ng matanda.
Minasama iyon ng binata. Nagalit siya sa matanda at pinagsisipa ang bangkong inuupuan.
“Wala kang pakialam sa buhay ko at lalong wala kang karapatang pagalitan ako!” paasik na sabi ng binatilyo.
Marami pang masasakit na salitang binitiwan ang binatilyo na walang tigil sa kasisipa sa lahat ng abutan ng paa.
Lingid sa kaalaman ng binata ay engkantado pala ang matanda. Sa nakitang masama niyang asal ay ginawa siya nitong hayop na may apat na paa na walang tigil kasisipa.
Nang mapagod sa kasisipa ay napaiyak ang binatilyo ngunit halinghing lang ang lumabas sa bibig niya.
Huli na ang kanyang pagsisisi dahil hindi na makabalik sa dating anyo. Napilitan siyang umuwi sa magulang.
Likas na mababait, kinupkop nina Ayong at Karing ang hayop na isang umaga ay ayaw nang umalis sa kanilang bakuran. Inalagaan nila ito na parang tao. Naging malaking tulong siya sa ama. Gumaan ang gawain nito at bumilis ang kanilang pag-unlad.
Binigyan siya ng pangalan ng mag-asawa. Mula sa Karing at Ayong ay tinawag siyang Kayong, ang pinagmulan sa salitang kabayo.